
Hayyyy....
Isang malalim na buntong hininga ang muli kong pinakawalan. Isang makahulugang hininga na naglalaman ng daan-daang letra sa wari'y nag-evaporate sa aking isipan. Bato na 'ko. Nababato na ako. Paulit-ulit. Gabi na naman at wala pa din nagbago sa aking buhay. Matutulog na naman at gigising bukas. Isa na lang ata ang nababago sa mag-hapon ko, ang ulam at pagkain na kakainin ko. Anong ulam ngayong gabi? Hay, may pakealam pa ba ako sa sikmura kong kumakalam? Aba! Syempre. Dapat lang para iwas sa sakit.
Okay, sige oatmeal na lang. At yung bukal na tubig kong may lemon at pipino. Pampaliit daw ng tiyan kahit walang ehersisyo. Haha puta ang tamad. Yan, katamaran ang nagdudulot sa iyo ng problema.
Diretso ulit sya sa rooftop. Tatayo. Uupo. Mag-sisindi ng sigarilyo, isa lang promise. Tapos masusundan ng isa, at isa pa. Medyo nag-bigay naman ng konting gaan sa pakiramdam. Takte, pero hindi nakabawas sa mga multo sa aking isipan. Nakatitig na naman sa kawalan, nagbibilang ng sasakyan na dumadaan sa lansangan. Uy! May eroplano... isa.... dalawa... tatlo... apat... lima.... anim.... pito.... ang sakit pala sa leeg. Itinigil ang pagbibilang ng eroplano sa ikapitong bilang. Sumakit ang aking leeg pero ang totoo may mas malalim pa doon na dahilan 'pre. Ilan man ang bilangin ko, hindi ko pa rin mawari kung ano ulit ang ganap kinabukasan bukod sa gigising at kakain lamang.
Hay...... buntong na hinga ulit. Sana nababawasan ang bigat ng kalooban sa simpleng pagbuntong-hininga lamang. Sana may nababago pakonti-konti tuwing ilalabas ko ang hinugot na hininga mula sa ikabuturan ng aking puso. Hahaha ulol, wala! Balik sa kuwarto at magkukutkot ng kung ano-ano. Maglinis ulit kaya ako ng bahay? Aha! Re-model ang peg ng aming kuwarto. Tapos linisan ko na din ang banyo. Ugh! Wala ng libagin, wala na pala akong lalabhan? Hala sayang ang aking oras.
Binuksan ko yung ref.... wala masyadong laman? Gusto kong bumili ng beef, gulay at fruits. Tapos mga sweets ilalagay ko sa gilid. Pati beer pala para may reserba. Kaso.... wala pa lang budget para makapag full-grocery. Itlog at tubig na lang muna. Madaming tubig. Ang ending, linisan ang ref.
So tapos ko na ang sala at cr, ano pa ba ang pwede kong gawin? Mag-laro kaya sa ipad? Hindi, nakakasawa na. Sawa na din ako mag facebook at instagram. May bago akong trip. Ito, blogging. Masaya pala sya. Kain oras, nakakaaliw. Susubok ako hanggang sa maging magaling ako. Hanggang sa madami na akong likers at hanggang sa kumita din ako. Susubok ako. Isang oras ang lumipas, nainip na naman ako. San ba pwede pumunta? Gusto ko lumabas, mamasyal pero wala pa lang laman yung wallet ko kundi bus card lang na may load na sampo dirhamo. Balik sa dati. Balik sa kuwarto. Balik sa umpisa ulit.
Hay... isang malalim na buntong hininga ulit...



Comments